TALIWAS sa pag-amin ng Department of Agriculture (DA), kumbinsido ang National Economic and Development Authority (NEDA) na makakamit pa rin ng administrasyong Marcos ang pangakong P20 kada kilo ng bigas bago sumapit ang pagtatapos ng termino ng Pangulo.
Gayunpaman, nilinaw ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na kailangan muna pagtuunan ng pamahalaan ang pagpapalakas ng produksyon ng palay sa bansa.
Para kay Balisacan, hindi magiging madali ang landas na tatahakin ng pamahalaan bago pa makamit ang ipinangako ng Pangulo Marcos na P20 kada kilong bigas sa merkado.
Kabilang aniya sa dapat isulong ng gobyerno ang pagbuhos ng pondo para sa ayuda ng mga lokal na magsasaka, libreng irigasyon at iba pang pasilidad na kailangan ng sektor – katulad ng ginagawa ng mga karatig bansa sa Asya tulad ng Thailand, Indonesia at Vietnam kung saan sapat at abot-kaya ang presyo ng bigas.
Naniniwala rin si Balisacan na noon pa dapat ginawa ng mga nakalipas na administrasyon ang pagtulong sa mga magsasaka.