
SA halip na dispensa sa mga naulila, paninisi pa ang napala ng pamilya ng biktima mula sa Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng trahedya sa Laguna de Bay kamakailan.
Sa isang pulong balitaan, tahasang sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na mag pagkukulang ang mga pasahero ng MB Princess Aya na lumubog sa bahagi ng lawang sakop ng Barangay Kalinawan sa bayan ng Binangonan sa kasagsagan ng masamang panahon dulot ng bagyong Egay.
Aniya, dapat maging responsable at mapanuri ang mga pasahero sa pagsakay, kasabay ng giit na nabigo ang mga biktima sumunod sa tinawag niyang safety protocols.
“Dapat responsable ang mga mananakay. Kung alam mo colorum ang bangka at delikado, huwag ka na sasakay,” sabi ni Balilo.
Sa nangyaring trahedya, sasampahan naman ani Balilo ng kaukulang kaso laban sa isang Donald Anain na tumayong kapitan ng MB Princess Aya kung saan sumakay ang nasa 67 katao. Kabilang rin aniya sa kakasuhan ang dalawang hindi pinangalanang tripulante.
Sa 67 pasahero, 27 ang kumpirmadong nasawi habang sa 40 naman ang nailigtas, batay sa datos ng lokal na pamahalaan.
Sa datos ng PCG, 22 pasahero lang ang nakatalang lulan ng MB Princess Aya na mayroon lamang kapasidad na magsakay ng 40 katao.