FAKE news – ganito inilarawan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang usap-usapang pinaghati-hatian na ng mga operatiba ang hindi bababa sa P305-milyong cash na nasamsam sa magkahiwalay na operasyon kontra illegal POGO sa Clark at Las Piñas.
Sa isang pulong-balitaan, nilinaw ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na hindi nawawala ang P305 milyon na nasamsam sa Clark Sun Valley Hub Corporation sa lalawigan ng Pampanga, at P117.1 milyon na nakumpiska mula sa Xinchuang Network Technology, Inc. (dating Hong Tai) sa lungsod ng Las Piñas.
Bilang patunay, ipinrisinta sa mga mamamahayag ang isang video footage ng “nawawalang” pera.
“May mga lumalabas po na misinformation and disinformation to put some cloud of doubt dito po sa latest na opertion po ng ACG at PNP-NCRPO doon po sa Century Peak Tower at binuksan po yung previous case po natin, involving mga POGOs po,” wika ni Fajardo.
Partikular na tinukoy ng tagapagsalita ng pambansang pulisya angt pagsalakay ng PNP-Anti-Cybercrime Group at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pasilidad ng Vertex Technology sa Century Peak Tower sa Ermita, Maynila noong Oktubre 29 dahil sangkot di umano sa cryptocurrency fraud at romance scams.
Garantiya ni Fajardo, ipiprisinta ng PNP ang “nawawalang” pera sa bisa ng utos ng husgado.
“There’s no truth sa mga lumalabas na malicious reports na nawawala po ‘yong mga pera. Intact po yong pera.”
