HINDI man tumuloy sa pagtakbo sa senado ang kanilang pambato, nakatakdang itaguyod ng mga tagasuporta ni former Vice President Leni Robredo ang kandidatura nina Bam Aquino at Kiko Pangilinan sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Sa kalatas ng grupong iMk Leni, maglulunsad ng isang bagong kilusan na naglalayong kumalap ng sapat na bilang para tiyakin makakabalik sa senado sina Aquino at Pangilinan.
Bilang pambungad, ibinahagi ng grupo ang napipintong pakikipag-ugnayan sa iba pang “pink groups” para hikayatin ang 15 milyong bumoto kay Robredo noong 2022 presidential elections na tiyakin ang tagumpay ng dalawang progresibong pambato sa senado, kasabay ng panawagan sa mga botante na huwag gawing batayan ang pagiging sikat sa larangan ng pelikula, media at angkan ng mga trapo.
“Nakakalungkot na patuloy namamayani sa popularidad sa tuwing sasapit ang halalan,” anang grupo.
Partikular na tinukoy ng iMk Leni ang mga naluklok kahit matabang ang kaalaman sa usaping panlipunan, mga mandarambong, mga magaling lang mangako, at maging yaong anila’y may maitim na motibo.
Hindi rin anila angkop na panatilihin sa pwesto ang mga reelectionist na sangkot sa hayagang paglabag sa karapatang pantao.
“Huwag nating hayaan tuluyang malugmok sa lusak ang lehislatura kaya mahigpit na muling magsama-sama tayo na ihahatid sina Kiko at Bam sa tagumpay itong 2025″ pahayag ng IMK Leni.
“Muling ipakita natin ang ating talento at sigla sa paghikayat sa ating mga kababayan. Mayroon tayong lakas ng 15 milyong Pilipino para manalo sina Bam at Kiko. Hindi tayo susuko sa ating pangarap para sa magandang bukas,” dagdag pa ng grupo.
Ang pahayag ng iMk Leni ay nilagdaan ni Elmer Argaño, Secretary General, kasama ang mga coordinator na sina Ricky Mallari (Luzon), Nick Malazarte (Visayas), Fave Sevillano (Mindanao), Rogel Garcia (NCR), Amefah Bansao (BARMM), at Teddy Brul (Media).
Kabilang sa mga batas na inakda ni Aquino ang Free College Law at Go Negosyo Act, na nakinabang sa mga kabataan, negosyante, at mga mahihirap.
Higit na kilala si Aquino bilang tagapagtaguyod ng mga polisiyang kumikilala sa kakayahan at karapatan ng mga sektor ng kabataan at maralita. Hindi rin matatawaran ang serbisyo ni Pangilinan sa mga sektor ng agrikultura at edukasyon.