BANTAY-SARADO sa Commission on Elections (Comelec) ang bawat galaw ng mga politikong naghain ng kandidatura sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno, ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia.
Bagamat pinahihintulutan ang mga kandidato magbigay paalala sa mga botante hinggil sa iba’t ibang adbokasiya, hinikayat naman ni Garcia ang kandidato sa nalalapit na 2025 midterm elections na iwasang sumawsaw at mangampanya sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo.
Nakatakdang isasagawa sa Enero 9 ang taunang Traslacion ng Itim na Nazareno na dinarayo ng milyon-milyong deboto.
Payo ng Comelec chief sa mga politiko, huwag nang lumahok pa sa Traslacion kung pangangampanya lang para sa kandidatura ang hangad sa pagpunta sa Quiapo.
“Ang isang banal na gawain tulad ng Traslacion sa Quiapo ay hindi pinupulitika kahit pa nga maaaring hindi pa simula ng kampanya at hindi pa kandidato. Pabayaan sana na ilaan ng mananampalataya ang panahon na ito upang makapag nilay-nilay at mapaigting ang kanilang debosyon,” anang Comelec chief.
Para sa mga kandidato sa national position, magsisimula ang campaign period sa Pebrero 11 o 90 araw bago ang halalan sa Mayo 12. Mayo 10 ang huling araw ng panunuyo sa mga botante.
