WALANG kahirap-hirap na nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang P6.793-trillion national budget para sa taong 2026.
SA botong 287 kongresistang pabor, 12 kontra, dalawang dedma, inaprubahan sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang 2026 General Appropriations Bill (GAB)
Maituturing na isang hamon para sa mga kongresista ang pagpasa sa takdang panahon ng 2026 GAB matapos ang pagbabago sa House leadership bunsod ng hindi inaasahang pagbibitiw ni Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez bilang House Speaker.
Bilang bagong pinuno ng House of Representatives, ipinagpatuloy naman ni Isabela 6th District Rep. Faustino Dy III ang mga reporma sa budget process na pinasimulan ni Romualdez kabilang ang pagbuwag sa tinaguriang “small committee” kapalit ng Budget Amendments Review Sub-Committee (BARSc).
Sa bisa ng reporma, binuksan sa publiko ang mga pagdinig ng BARSc sa pamamagitan ng live streaming, bukod pa presensya ng mga kinatawan ng mga civil organizations bilang “observer.”
Pangunahing nilalaman ng House Bill 4058 (2026 GAB) ay ang makasaysayang paglalaan ng P1.28-trilyong pondo para sa sektor ng edukasyon, na katumbas ng 4.36 percent ng gross domestic product (GDP) ng bansa ngayong taon.
Tampok din ang paglilipat ng P255.528-bilyong nakalaan sa flood control projects sa sektor ng edukasyon na binahagian ng P56.63 bilyon, sektor kalusugan na binigyan ng P92.575 bilyon at sektor ng agrikultura na pinartehan naman ng P53.754 bilyon.
Bagama’t mahigpit na tinutulan ng minorya, pinanindigan ni House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing ang pagpapanatili ng P243.2 billion sa tinaguriang ‘unprogrammed appropriations’ o UA.
Binigyan-diin naman ni Speaker Dy na ang pag-apruba nila sa P6.793-trillion 2026 national budget ay isang malaking hakbang para sa mas “transparent, accountable, and service-oriented Congress.”
“Maaaring hindi perpekto ang ating badyet, ngunit ito ay malinaw na simula ng bagong yugto sa ating paglilingkod—ang unang hakbang tungo sa tunay na Badyet ng Bayan: Bukas at Tapat sa Sambayanan,” pahayag ng House Speaker sa kanyang adjournment address.
Aniya, ang House version ng 2026 GAB ay “isang budget na ginawa sa liwanag, hindi sa dilim; na pinagtuunan ng sapat na oras, at nangibabaw ang puso at isip—hindi ang pansariling interes.”
“Sa ilalim nito, walang naitago, walang tinago at walang ibang layunin kundi tiyakin na ang bawat piso ng buwis ng ating mga mamamayan ay bumabalik sa kanila sa anyo ng oportunidad, serbisyo, at pag-asa. Ito ang ating panata: ang pera ng taumbayan ay para sa taumbayan. Kailangan nating siguraduhin na ang pondong ito ay ginagamit nang tapat, may malasakit, at ipinagkatiwala sa mga kamay na may pananagutan.”
Pinagmamalaki ng Isabela lawmaker na ang panukalang pambansang badyet na kanilang naipasa ay nabuo na may ibayong pag-iingat, matapat na deliberasyon at matibay na integridad kung saan tintiyak nito na ang bawat sentimo nito ay ilalaan sa mga programang direktang pakikinabangan ng lahat ng mamamayang Pilipino.
“Ang sagradong mandato ng pamahalaan ay ang makatarungan, bukas, at responsableng pamamahagi ng yaman at oportunidad para sa ating lahat. Iyan ang dahilan kung bakit tayo naririto. Iyan ang diwa ng Kongreso: tiyakin na ang bawat piso na galing sa buwis ng ating mga kababayan ay ginagamit nang tama at makarating sa mga tunay na nangangailangan.” ani Dy. (ROMER R. BUTUYAN)
