BILANG pagkilala at respeto sa kapangyarihan ng Korte Suprema sa usapin ng batas, nagpahiwatig ng kahandaan ang Palasyo ibalik sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang nasa P60-bilyong inilipat ng naturang ahensya sa Bureau of Treasury.
Gayunpaman, nilinaw ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecre Claire Castro na wala pang direktiba sa Palasyo ang Korte Suprema.
Una nang ipinahayag ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho sa ikatlong round ng oral argument kaugnay ng petisyon laban sa fund transfer, na maaaring gamitin ang pondo sa pagpapalawak ng benefit packages para sa mga miyembro ng ahensya.
Pwede rin aniyang kumuha ng mas maraming kawani para sa mas epektibong implementasyon ng mga programa ng ahensya para sa publiko.
Una nang sinabi ni Castro na hindi tututulan ng Malacañang kung ano ang anumang ipag-uutos ng Korte Suprema hinggil sa nasabing usapin.
“Kung ano po ang ipag-uutos ng Supreme Court, iyan po ay susundin natin,” ani Castro.
Taong 2024 nang ilipat ng PhilHealth sa National Treasury ang P60 bilyon dahil sobra sobra umano ang pondo ng ahensya.
