
Ni Estong Reyes
MATINDI ang pangamba ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na maaaring ibalik sa bicameral conference committee ang P650 milyon na hinihingi ni Vice President Sara Duterte para sa kanyang tanggapan at Department of Education (DepEd).
“‘Yan ang katotohanan na hindi maganda sa bicam na anything goes po doon… Theoretically speaking, the bicam has the power to introduce anything kasi nire-report back n’ya sa mother unit n’ya [‘yung report] eh which is the plenary,” ayon kay Pimentel.
“Kung ma-ratify du’n parang na-approve na rin ang kung ano man ang ginawa ng bicam,” dagdag pa niya.
Dahil may pagkakataon na ibalik ang lahat ng tinanggal o binawasan na confidential funds sa final version ng panukala na naglalaman ng 2024 national budget, hiniling ni Pimentel na nagmomontor sa budget deliberations na maging mapagmatyag sa Bicameral Conference Committee report hinggil sa spending bill kapag naratipika ito ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.
“Puwede ma-restore. Kaya siguro sa mga interesado sa issue, na nagbantay hanggang dulo, ang pagbabantay [dapat] even after the bicam. ‘Yung bicam report dapat bantayan,” giit niya.
Aniya, kapag inaprubahan ng Senado ang 2024 General Appropriations Bill (GAB) a ikatlo at huling pagbasa, magpupulong ang mga mambabatas sa Bicameral Conference Committee.
Sa bicameral conference, pag-iisaghin ng mambabatas ang lahat ng disagreeing provisions ng House of Representatives at Senate ang kani-kanilang bersiyon sa GAB.
Pagkatapos mapagsama ang mga disagreeing provision, ibabalik ang GAB sa Senado at Mababang Kapulungan upang ratipikahin sa plenaryo saka dadalhin sa Palasyo upang rebyuhin at lagdaan ng Pangulo.
Naunang ipinahayag ni Duterte na hindi na siya interesado sa confidential funds na naunang tinanggal ng Mababang Kapuungan. Inihayag ito ni Senador Sonny Angara habang tinatalakay ng Senado sa plenaryo ang badyet ng OVP at DepEd.