ISANG linggo matapos ihayag ng Palasyo ang pagtatalaga kay Agriculture Secretary Domingo Panganiban, biglang kambyo ang Presidential Communications Office (PCO), kasabay ng anunsyo sa paghirang ng bagong acting Sugar Regulatory Administration (SRA) administrator.
Bukod sa pwestong administrador ng kontrobersyal na tanggapan sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), hahawakan din ni Pablo Luis Azcona ang posisyon bilang chief executive officer (CEO) ng SRA.
Sa kalatas ng PCO, may petsang Abril 20,2023 ang appointment paper na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa isang panayam, inihayag rin ng bagong SRA chief ang prayoridad ng kanyang tanggapan. Aniya, personal niyang tututukan ang pagdodonate ng mga kumpiskadong smuggled sugar sa Kadiwa ng Pangulo, pagtulong sa paghahanda ng mga magsasaka sa nakaambang epekto ng El Niño at ang regular na pag-uulat sa Palasyo hinggil sa kalagayan ng industriya ng asukal.
Bago pa man ganap na itinalagang kapalit ni Panganiban, miyembro na ng SRA Board si Azcona na kumakatawan sa mga sugar planters.