PAULIT-ULIT. Kahit sinong ilagay mo sa Land Transportation Office (LTO), walang pagbabago sa sistema, hindi maitutuwid ang kapalpakan ng ahensyang pahirap sa taumbayan.
Bakit kamo? Sindikato ang kumokontrol sa LTO. Sindikato na tinubuan ng ugat sa sistemang korap. Kahit anong batas pa ang ipasa para ayusin ang sistema sa LTO, hindi magbabago kung patuloy na namamayagpag ang sindikato sa loob.
Hindi lamang kasabwat ang mga mataas na opisyal ng mga pangkaraniwang empleyado sa ahensya – kasapakat din nila ang pribadong sektor na nakapaligid sa lahat ng LTO offices. Tulad medical clinic, insurance companies, testing center, driving schools at notary public na nagsisilbing ayuda ng sindikato sa loob.
Halimbawa, hindi ka pwedeng kumuha ng lisensya kundi ka magpatingin sa ‘accredited’ medical clinic nila. Katunayan, tablado ang medical certificates mula sa government hospitals – kasi nga naman, wala silang mahihitang porsyento tulad ng regular na ‘padala’ ng mga accredited medical clinics.
Ganyan katitigas ang mukha ng mga utak-sindikato sa LTO.
Mas gusto nila ang mga pipitsugin medical clinic na nangungupahan sa apat na metro kwadradong espasyo hindi kalayuan sa LTO district office.
Ang masaklap, walang katiyakan tunay na alagad ng medisina ang nagsusuri sa mga aplikante ng lisensya – hindi tulad sa mga pampublikong pagamutan kung saan nakabase ang mga lehitimong doktor.
Pasok din sa raket ng sindikato sa loob ng LTO ang vehicle insurance. Paniyakan, di lulusot ang insurance mula sa mga matatag na kumpanya dahil may ‘cashunduan’ na pala ang LTO sa mga ‘accredited companies’ na ang tanggapan ay makikita kung saan may lilim at isang lamesa.
Tapos sa smoke testing center – hindi ka makakakuha ng bagong registration kung hindi sa accredited testing center na kakuntsaba ng sindikato sa loob ng LTO.
Tulad ng national ID na kapag kumuha ka, kailangan mo ng isa pang valid at government issued ID, pero walang makukuhang card dahil ikaw mismo ang magpapa-print sa sandaling ipadala sa email address mo.
Nasaan ang pondo?
Kaya hangga’t hindi nababago ang istruktura ng LTO, hindi mabubura ang kapalpakan ng ahensya kahit sinong “pontio-pilato” pa ipalit mo dyan. Kakainin lang ng kalasing ng pilak na kalakip ng bulok na sistema ang sinumang opisyal dyan kapag nasa harapan mo na ang smiling ayuda galing sa sindikato.
Sa ganang akin, napapanahon nang gawin online ang lahat ng transaksyon ng LTO – mula sa application, pagsusumite ng medical certificate, vehicle insurance, sertipiko mula sa matinong testing center centers at iba pa.
Sa ilalim ng online transactions, maiiwasan ang mahabang pila, matagal na paghihintay at mabubura ang mga fixers paligid ng LTO offices. Magiging maayos ang sistema, mapapabilis ang proseso at masisiyahan ang mga tao.
Pero, KUNG HINDI BABAGUHIN ANG SISTEMA, patuloy at patuloy na ganyan ang kalakaran sa LTO na isang repleksyon ng kabuuan ng sistema ng gobyerno: PALPAK NA, CORRUPT PA.