SA kabila ng pagsang-ayon buksan ang isa sa dalawang kasong kinakaharap ni former Sen. Leila De Lima, nanindigan ang Muntinlupa Regional Trial Court na tuloy ang paglabas ng hatol pagsapit ng itinakdang petsa – Mayo 12.
Batay sa direktiba ni Muntinlupa RTC Judge Abrahan Joseph Alcantara noong Abril 24, kinatigan ang kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na buksan ang kaso upang bigyang daan ang pag testigo ni Atty. Demiteer Huerta ng Public Attorney’s Office ngayong araw, Abril 28.
Ayon sa DOJ, si Huerta ay isa sa dalawang PAO lawyers na nangasiwa sa panunumpa ng salaysay ni dating Bureau of Corrections OIC Rafael Ragos, kaugnay ng paratang na nag-uugnay sa dating senador sa kalakalan ng droga sa mga panahong Kalihim pa ng DOJ.
Gayunpaman, binawi na ni Ragos ang testimonya sa husgado. Aniya, pinuwersa lang di umano siya ni former Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
“There is no precise provision in the Rules of Court governing a motion to reopen a case for the reception of rebuttal evidence after a case has been submitted for decision but before judgment. It is a judicial action which is controlled only by the utmost interest of justice and rests entirely on the sound discretion of the Court,” saad ng Muntinlupa RTC.
“The Court does not shrink from its responsibility to receive evidence in order to ferret out the truth,” dagdag pa.
Gayunpaman, tiniyak ng korte na tuloy ang pagbasa ng hatol sa Mayo 12.
Kumbinsido naman ang kampo ni De Lima na tuluyan nang makakalaya matapos ang mahigit anim na taon ng pagkakapiit sa anila’y gawa-gawang kaso.