NI LILY REYES
Sa kabila ng inaasahang tagtuyot na dala ng El Niño phenomenon, asahan ang pagpasok ng limang bagyo sa unang tatlong buwan ng taon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Paglilinaw ni PAGASA weather specialist Aldzcar Aurelio, hindi magiging katulad ng mga pangkaraniwang sama ng panahon ang limang bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mula Enero hanggang Marso.
“Kung karaniwang nararanasan ang malakas na pag-ulan kapag may mga bagyo, sa pagpasok ng naturang mga bagyo ay hindi gaanong marami ang ulan dahil sa epekto ng El Niño o panahon ng mababang tsansa ng pag ulan,” anii Aurelio.
Pinangalanan na rin ng naturang ahensya ang mga limang bagyo – Aghon, Butchoy, Carina, Dindo at Enteng.
Patuloy na aniyang nakakaranas ng minsang pag-ulan sa Luzon laluna sa Metro Manila, Tarlac, Nueva Ecija, Zambales, Bataan at Pampanga dahil sa epekto ng amihan.