HINDI man pinalad na maging Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa, mukhang may pag-asa naman makapasok sa Senado ang mga natalong kandidato sa dalawang pinakamataas na pwesto sa gobyerno.
Batay sa resulta ng survey na pinangasiwaan ng Tangere mula hunyo 21 hanggang 24, pasok sa tinaguriang ‘Magic 12’ ang mga natalong presidential bets na sina former Manila Mayor Isko Moreno at dating Senador Manny Pacquiao at Panfilo Lacson, gayundin ang mga hindi pinalad maging Vice President na sina dating Senate President Tito Sotto at Dr. Willie Ong.
Nanguna naman sa talaan ng mga patok sa 2025 midterm election ang brodkaster na si Erwin Tulfo (na saglit na nanungkulan bilang Social Welfare secretary) na may 63.08%. Pumangalawa si Sotto na nakasungkit hng 52.04% habang nasa ikatlong pwesto naman si Moreno na may 51.29%.
Samantala, si Senator Christopher “Bong” Go (48.38%), Dr. Willie Ong (44.04%), Sen. Imee Marcos (43.58%), at Senator Ronald “Bato” Dela Rosa (37.25%) ay nagtapos sa ikaapat, ikalima, ikaanim, at ikapito, ayon sa pagkakabanggit.
Pasok din sa survey sina Lacson (36.58%), Senator Pia Cayetano (36.00%), Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte (35.96%), Senator Francis Tolentino (35.42%) at Pacquiao (35.33%).