TALIWAS sa kumakalat na balita, walang pagbawi sa testimonyang inihayag sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara.
Sa isang pahayag, nilinaw ni Atty. Emil Karlo Joven ni walang plano si Alcantara umatras sa sinumpaang salaysay kaugnay ng mga ibinulgar na pangalan ng mga politiko at mga government officials na nakinabang sa tinaguriang flood control scandal.
Paglalarawan ng abogado ni Alcantara, “false and misleading” ang kumakalat na balita sa social media.
“In short, Engr. Alcantara is not recanting his prior statements,” wika ng abogado, kasabay ng giit na may nilagdaan Memorandum of Agreement (MOA) si Alcantara sa Department of Justice (DOJ) bilang bahagi ng kanyang pagpasok sa Witness Protection Program (WPP).
Aniya, handa pa rin makipagtulungan si Alcantara sa layunin ng kagawaran papanagutin ang mga kawatan sa pamahalaan.
Gayunpaman, nanindigan ang Office of the Ombudsman na hindi apektado ng anumang pag-atras sa testimonya ang kasong isinampa sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano “ingay” lang ang kumakalat na balitang pagbaligtad nina Alcantara, Brice Hernandez at Jaypee Mendoza sa mga sinumpaang testimonya.
“Seems like noise to us. We will only rely on sworn statements,” ani Clavano. “That [recantation] would hurt their admission into witness protection,” aniya pa. (JULIET PACOT)
