PARA sa Bureau of Plant Industry – isang tanggapan sa ilalim ng Department of Agriculture na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr – higit na kailangan ang importasyon ng sibuyas para hindi sumipa ang presyo ng pangunahing rekado sa pagluluto.
Katwiran ni Jose Diego Roxas na tumatayong tagapagsalita ng BPI, aabutin na lang hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon ang suplay ng puting sibuyas habang hanggang Nobyembre na lamang aniya ang suplay ng pulang sibuyas.
Paglilinaw ni Roxas, pwede pa naman di umano magbago ang lagay ng supply sa merkado lalo pa aniya’t ‘projection’ lang ang pinagbatayan ng kanilang pahayag.
Gayunpaman, iginiit ng opisyal na kailangan paghandaan ang nakaambang kakapusan ng supply sa paraan ng pag-angkat para punan ang demand ng produkto at maiwasan ang pagsipa ng presyo sa merkado.
“Possible naman mabago ang pagtaya. Kung mag-i-import man, augmentative lang. Pandagdag lang sa kakulangan o pampuna sa kakulangan.Para mag-stabilize ‘yung presyo pati ang supply,” aniya.
Base sa price monitoring data ng kagawaran, nasa P200 kada kilo na ang bentahan ng sibuyas sa mga pamilihang bayan sa National Capital Region.
