Ni ESTONG REYES
SA huling araw ng itinakdang panahon ng paghahain ng kandidatura, walang Alice Guo o sinumang kinatawan ang nagpakita sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa bayan ng Bamban, Tarlac.
Pag-amin ng sinibak na alkalde ng Bamban, mas pinili na lang muna niyang harapin ang mahabang talaan ng mga kasong kriminal na isinampa sa husgado kesa makigulo sa nalalapit na 2025 midterm election.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado, inihayag ni Guo ang kanyang pag-atras sa planong reelection bid matapos tanu ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung naghain na ang kanyang kampo ng Certificate of Candidacy (COC).
“Sa ngayon hindi po. Haharapin ko muna accusations po sa akin, linisin ko po muna yung sarili ko po. At para maging fair din po para sa mga constituents ko po na minamahal ko po,” wika ni Guo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Sa naturang Senate inquiry, lumutang din na inasikaso di umano ng Chinese state security si Alice Guo sa kanyang pagkandidato bilang mayor ng Bamban noong taong 2022, batay sa pagsisiwalat ni Wang Fugui, kaibigan at dating kasama sa selda ng aminadong espiya ng China na si She Zhijuang.
“Her campaign itself was arranged by the Chinese state security,” pahayag ni Wang sa panayam ng tanggapan ni Senadora Risa Hontiveros na tumatayong chairperson ng komite.
Sa dokumentaryo ng Al Jazeera, ibinunyag ni She Zhijiang na si Guo ay isang ahente ng Chinese Ministry of State Security kung saan di umano nagmula ang pondong ginamit ng dating mayor sa kampanya.
Kinumpirma rin ni Wang sa Senado na isa ngang Chinese spy si Mayor Guo. “In fact, the content of the declassified file kept by Mr. She is large and I only have declassified a portion under his authorization. Guo Hua Ping was a spy but not a special one.”
