
TULUYAN nang tinuldukan ng pamahalaan ang anumang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at International Criminal Court (ICC) sa bisa ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra.
Sa isang panayam, binigyan diin ni Guevarra na ang paghahain ng petisyon sa ICC para ibasura ang imbestigasyon sa giyera kontra sa bansa ang huling aktibidad ng Pilipinas sa pandaigdigang husgado.
“I have discussed this matter personally with PBBM and we have agreed that our appeal to the ICC appeals chamber is the end of our engagement with the ICC. We just really waited for the decision (which we nearly won, 3-2),” wika ni Guevarra na tumayong Kalihim ng Department of Justice sa ilalim ng administrasyong nagsulong ng madugong kampanya laban sa kalakalan ng droga sa bansa.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na wawakasan na ng bansa ang anumang ugnayan sa ICC matapos tablahin ang apela ng gobyerno ng Pilipinas.
Magugunitang tinabla ng ICC Appeals Chamber ang petisyong inihain ng administrasyong Marcos kaugnay ng imbestigasyon nagbibigay pahintulot sa ICC Prosecutor na ituloy ang imbestigasyon hinggil sa pamamaslang ng libo-libong silbilyan.
Sa naturang petisyon, iginiit ng Pilipinas na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa bansa matapos kumalas ang Pilipinas sa ICC noong Marso 2019.