NAKATAKDANG dumalo sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ang tatlong nalalabing buhay na dating Pangulo sa Batasan Pambansa sa Hulyo 24, ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.
Ayon kay Velasco, pormal na kinumpirma ni dating Pangulo Rodrigo Duterte ang kanyang pagdalo sa taunang ulat sa bayan ng Pangulong pumalit sa kanyang pwesto.
Gayundin ang 86-anyos na si dating Pangulong Jose Ejercito Estrada at Gloria Macapagal Arroyo na kasalukuyang Deputy Speaker at kongresista ng ikalawang distrito ng Pampanga sa Kamara.
Gayunpaman, tinabla ni former Vice President Leni Robredo ang paanyayang saksihan ang talumpati ng katunggali sa nakaraang May 2022 presidential election.
Bukod sa tatlong dating Pangulo, nasa 2,00 panauhin ang kumpirmadong darating na Batasan Pambansa sa ika-24 ng Hulyo para sa SONA ng Pangulo.
“Almost all the guest list is complete … Over 2,000 guests and we have some reserved seats for those who will request (at the) last minute,” sambit ni Velasco sa mga mamamahayag.
Pasok din sa talaan ng mga panauhin ang Unang Ginang Liza Araneta Marcos na ayon kay Velasco ay uupo sa tinawag niyang VIP seats, kasama ang mga dating Pangulo, mga dating Senate President, mga dating House Speaker at mga dating Unang Ginang ng bansa.
“We clear it with the VIPs who they want to be seated with. As much as possible, we want them to be comfortable… For some reasons, maybe they want to be with their family, or they want their caregiver at their back,” paliwanag ni Velasco.
May mga nakatakdang lugar din para sa mga kaanak ng imbitadong VIP, miyembro ng gabinete at mga diplomatiko.
Tinyak rin ni Velasco ang seguridad sa Batasan Complex na bantay-sarado sa House security group, Presidential Security Group, Philippine National Police, Metropolitan Manila Development Authority at iba pang katuwang na law enforcement agencies.
“We want to ensure that this place will be secured by Monday and that is the purpose of the lockdown but we’ll still be here.”