MAHIGPIT na kinondena ng Pilipinas ang China Coast Guard sa paglalagay ng floating barrier sa pinag-aagawang West Philippine Sea na sinasabing nakapagpatigil sa mga Pinoy na mangisda sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ).
Sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson Jay Tarriela na nahinto ang pangingisda ng mga Pilipino sa lugar dahil sa mga nakaharang na floating barrier.
Umaabot sa 300 metro ang haba ng barrier sa bahagi ng Bajo de Masinloc kung saan nadiskubre ng mga nagpapatrulyang maritime patrol ng Pilipinas noong Biyernes.
Nang magsimulang mangisda ang mga Pinoy sa lugar, apat na Chinese coast guard vessels ang nag-radyo at pinaaalis ang mga ito.
Nagsabi naman ng PCG na magtatrabaho ang lahat ng ahensiya ng gobyerno upang matugunan ang ginawa ng China.
Hindi naman sumagot ang Chinese Embassy sa Maynila nang hingan ng komento.