Ni Estong Reyes
NANINIWALA si Senator Risa Hontiveros na magkakaroon ng matindi at masiglang pagbabago sa hanay ng political opposition sa paglaya ni dating Senador Leila De Lima na nakulong sa halos pitong taon.
Sa episode ng The Mangahas Interviews kamakailan, sinabi ni Hontiveros, isa sa dalawang oposisyon sa Seando na magreresulta ng malakas na pagkilos ang paglaya ni De Lima, hindi lamang sa oposisyon kundi sa buong bansa.
“Pagkatapos ng anim na mapait na taon ng pagkakulong, pambihira talaga, her spirit remains unbowed. At ‘yung diwa niyang iyon ni Leila, siguradong mas lalong mai-infuse ng lakas at pagiging positibo kaming lahat sa opposition,” ayon kay Hontiveros.
“Siguradong makatutulong na ngayon malapit na siyang maging ganap na malaya, at ‘yan ay siguradong makakapagpasigla lalo sa amin sa opposition,” giit pa niya.
Naunang inihayag ni De Lima na mananaatili siya sa oposisyon, at kikilos ang dating justice secretary at abogado sa kanyang “complete vindication.”
Nakipagkita din ang dating senador kay former Vice President Leni Robredo sa Naga, Camarines Sur nitong Huwebes.
Sa pahayag, sinabi ni Robredo na nagtagumpay ang katarungan sa paglaya ni De Lima na matagal nang hinihintay nito at ng buong bansa.
“Through all these years, Sen. Leila has been a source of inspiration for us. Her courage and her faith lent so many of us the resolve to continue fighting the good fight, to speak truth to power, and to keep believing that the Filipino people deserve so much more,” ayon kay Robredo. Lumaya si De Lima, kilalang matinding kritiko ng Duterte administration, mula sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City matapos maglagak ng piyansa nitong Lunes.