Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
BUNSOD ng panaghoy ng mga ordinaryong Pilipino sa walang puknat na pagsipa ng singil sa kuryente, hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso ang agarang pagrepaso sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Ayon kay Marcos, kailangang balikan at busisiin ang EPIRA “upang malaman kung angkop pa rin ba ito sa ating sitwasyon o napapanahon na para ito ay amyendahan.”
“Hinihiling ko sa Kongreso na pagtulungan na natin ito alang-alang sa kapakanan ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Partikular na layunin ng kahilingan sa mga mambabatas ang angkop na mekanismong magbibigay-daan para bumaba ang halaga ng kuryente para na rin maibsan ang hirap sa buwanang bayarin ng power consumers.
Ayon kay Marcos, binabantayan ng pamahalaan ang estado ng energy sector at malutas ang kabi-kabilang brownout sa maraming lugar sa bansa.
Aniya, sa pagtatapos ng iba’t-ibang energy projects at pagpasok ng bagong pamumuhunan sa nasabing sektor, inaasahan ang pagkakaroon ng sapat at maaasahan suplay ng kuryenteng tugon sa tumataas na demand dito sa mga susunod na taon.
“Batid nating lahat na ang presyo ng kuryente dito sa ating bansa ay mataas. Kaya patuloy tayo sa pagdagdag ng mga imprastraktura ng kuryente na magpapababa ng presyo sa kalaunan. Sa kabilang banda, tinitiyak din nating makatarungan ang paniningil sa mga konsyumer,” wika ng Pangulo.
Kaya naman para mapagaan ang bayarin sa kuryente, inihayag ni Marcos na patuloy na ipinatutupad ng gobyerno ang Lifeline Rate program at pagpapahinto sa FIT-All Tariff sa electric bill.
Inihayag din niya ang pagkakaroon sa kauna-unahang pagkakataon ng power grids connections sa lahat ng tatlong major island groups ng bansa; ang Luzon, Visayas, at Mindanao, na isa sa paraan para sa pagkakaroon ng matatag na suplay ng kuryente sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
“The Unified Philippine Grid is a fulfillment of the dream, whose seeds were planted in the 80s, through a vision bolstered by research and development, which we accomplished by applying typical Filipino persistence and dedication,” sambit pa ng Pangulo.
