
SA hangaring bigyan-agapay ang mga maliliit na negosyanteng apektado ng Executive Order 39 na nagtatakda ng price cap sa panindang bigas, puspusan at paspasan na ang paghahanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng economic relief subsidy (ERS) sa lehitimong rice retailers.
Katunayan, nakipag pulong na rin si DWSD Sec. Rex Gatchalian sa mga opisyales ng Department of Trade and Industry (DTI) para isapinal ang implementasyon ERS na tugon sa nakaambang pagkalugi bunsod ng EO 39 na nagtatakda ng mas mababang presyo ng panindang bigas sa mga pamilihan.
Tinalakay sa nasabing pulong kung paano mabilis na makukumpleto ang listahan ng mga qualified small rice retailers na siyang target na benepisyaryo ng subsidiya ng gobyerno.
Para kay Gatchalian, lubhang mahalaga ang ugnayan ng dalawang kagawaran sa mga rice retailers’ group para agad matukoy ang mga karapat-dapat tulungan rice retailers.
“In this case, the DTI was tasked to work with the rice retailers association to identify who the small rice retailers are. They’ll pass on the list to us and on the ground we do payouts,” wika ni Gatchalian.
Oras na makumpleto ang masterlist ng benepisyaryo, agad na ipatutupad ng DSWD ang pamamahagi ng ayudang hindi bababa sa P15,000 sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program.
Kasama sa pulong ng DSWD at DTI si House Committee on Agriculture Chair at Quezon Province 1st District Rep. Mark Enverga kaugnay naman ng paglalaan ng kamara ng P2-bilyon bilang augmentation fund sa DSWD.