KASUNOD ng panibagong paratang, isang hamon ang inilabas ng Palasyo laban kay former President Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y pagbebenta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng “gold reserves” ng Pilipinas.
Ayon kay Atty. Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, kathang-isip lang aniya ang bintang ni Duterte.
Hamon pa ng Palace official sa dating pangulo ng bansa, maglabas ng ebidensya sa paratang na binigkas sa pangangampanya ng mga pambato ng PDP-Laban sa Mandaue City nitong nakalipas na Sabado.
Partikular na tinukoy ni Castro ang isang bahagi ng talumpati ni Duterte na nagsabing “ninakaw at binenta” ni Marcos ang gold reserves ng Pilipinas.
Bilang dating presidente at isang abogado pa man din, dapat aniyang alam ni Duterte na ang gross international reserves (GRI) kabilang na ang ginto ay nasa ilalim ng eksklusibong pangangasiwa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
“Anong proof niya? Again, as a lawyer he is a lawyer, he became a fiscal. Alam niya kung paano makakuha ng ebidensya. To get the truth. Bakit sa kanya parang wala siyang ebidensya? Laging paintriga,” ani Castro.
“All we want here is evidence. Ipakita niya,” dugtong ni Castro sa aniya’y intrigang nasagot na ng gobyerno noong Oktubre ng nakalipas na taon.
“Ang nagtataka lang ako, bakit paulit-ulit na bini-bring-up ni Pangulong Duterte? Wala ba siyang economic experts na magsasabi sa kanya kung ano ba talaga ang regular activities ng BSP?”
“Hindi ba ito campaign joke ulit ni dating Pangulong Duterte? Hindi pa ba tayo nasanay doon sa jetski promise niya? Nang naniwala tayo, tinawag pa tayong stupid?” aniya pa.
Naglabas na rin ng pahayag ang BSP — “The country’s GIR is not used for any other purpose other than meeting the country’s forex requirements. When the BSP sells gold, the proceeds revert to and stay within the GIR.”
