Ni LOUIE LEGARDA
MAHIRAP ang patago-tago. Ito marahil ang napagtanto ni suspended Bamban Mayor Alice Guo na nagpahiwatig ng pagnanais sumuko bago pa man matunton ng mga operatibang inatasan ng Senado.
Pag-amin ni Atty. Stephen David, pinag-iisipan na ni Guo na dumalo sa susunod na pagdinig ng Senate on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay ng illegal POGO operation sa nasasakupang bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac.
“She is contemplating kung kailan siya at paano siya su-surrender sa jurisdiction ng Senado. Kung magsu-surrender siya ngayon, matagal yang made detain, hanggang sa next hearing which I think is July 29. Kung dadalo yan siyempre during the hearing na lang,” ani Atty. Stephen David.
Una nang naglabas ng mandamiento de arresto laban kay Guo at pitong iba pa ang komiteng pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros bunsod ng hindi pagdalo sa mga nakalipas na pagdinig.
Bitbit ang arrest warrant, tinungo ng mga tauhan ng Senate of Sergeant-at-Arms ang mga nakatalang tirahan ni Guo at iba pang mga pinaniniwalaang sangkot sa illegal POGO hubs na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), subalit tanging ang dating accountant lang na si Nancy Gamo ang dinatnan at nakalawit ng mga operatiba.
“Kahapon magkausap kami. Matagal din kami nag-usap, more than one hour. Sabi nya nasa Pilipinas siya. Sa tagal ng naming usapan syempre naniniwala naman akong na nandito siya sa Pilipinas,” anang abogado ni Guo.
Sa kabila ng pahiwatig ng pagdalo ni Guo sa susunod na pagdinig sa Hulyo 29, nanindigan si Hontiveros na dapat nang lumabas sa lungga ang kontrobersyal na alkalde at magpakita sa Senado.
