MULING tumaas ang tensyon sa West Philippine Sea matapos pinahan ng dambuhalang barko ng Chinese Coast Guard ang patrol vessel ng Pilipinas.
Sa ulat na unang inilabas ng Agence France-Presse, naganap ang pambabarako ng China habang nagsasagawa ng maritime patrol ang Philippine Coast Guard (PCG) na naglalayag patungo sa Second Thomas Shoal (200 kilometro mula sa Palawan) kung saan nakahimpil ang Philippine Navy na inatasan magbantay sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng bansa.
Pag-amin ni commanding officer Rodel Hernandez, halos tumbukin ng Chinese Coast Guard ang dalawang sasakyang dagat ng Pilipinas – ang BRP Malapascua at BRP Malabrigo, na di umano’y pilit itinaboy ng mga Tsino.
“We would have collided on the bow had I not cut the engine and thrown it in reverse,” ani Hernandez na aminadong kinabahan sa ginawang maniobra ng dambuhalang barko ng Chinese Coast Guard.
Kung hindi pa aniya kinabig ang sinasakyang patrol vessel ng Pilipinas, hindi malayong nahagip ang sinasakyang BRP Malapascua – bagay na nasaksihan ng mga peryodistang lulan ng BRP Malabrigo na may layong isang kilometro sa mismong pinangyarihan ng insidente.
Ayon kay Hernandez, meron din aniyang isa pang barko ng Chinese Coast hindi kalayuan sa kanilang pwesto, kasabay ng pag-amin na hindi lang minsan ginawa ng mga Tsino ang pagharang sa mga sasakyang dagat ng Philippine Coast Guard habang nagpapatrolya sa West Philippine Sea.
Sa nakalipas na 10 taon, nakita ang pananakop ng China sa ilang pangunahing isla ng Sptralys kung saan nagawa ng mga Tsino magtayo ng base militar na may paliparan at daungan ng mga barkong pandigma sa loob mismo ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Naganap ang insidente isang araw matapos ang magpulong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese Foreign Minister Qin Gang.
Samantala, isiniwalat na rin ng Philippine Coast Guard ang presensya ng daan-daang Chinese vessels sa Whitsun Reef na pasok rin sa Philippine exclusive economic zone.