
SA hudyat ng pag-arangkada ng single ticketing system sa Metro Manila, binalaan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kamote drivers hinggil sa nakaambang abalang kalakip ng paulit-ulit na paglabag sa batas trapiko.
Sa kalatas ng LTO, pinaalalahanan ang motorista kaugnay ng implementasyon ng demerit system kung saan anila isasailalim sa re-orientation ang mga drayber na nakapagtala ng 10 demerit points.
Paglilinaw ni LTO Chief Jay Art Tugade, wala sa mga panuntunan ng single-ticketing policy ang pagkumpiska ng lisensya – pero obligado aniyang sumailalim sa re-orientation course para makakuha ng pahintulot magmaneho ng sasakyan.
Babala naman ni Tugade, posibleng kanselahin ang lisensya ng tsuper na makakaipon ng 40 ang demerit points.
Kabilang sa mga lungsod na kasama sa initial rollout sa Mayo 2 ng single ticketing system sa Metro Manila ang San Juan City, Quezon City, Parañaque, Manila, Muntinlupa, Valenzuela, at Caloocan.