
KASTIGO-mayor ang bwelta ng isang militanteng senador matapos makalusot ang libo-libong tonelada ng smuggled sugar sa merkado.
Partikular na tinukoy ni Se. Riza Hontiveros ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na aniya’y gumawa ng paraan gawing legal ang bulilyaso sa bisa ng sugar order 6 na nilagdaan ni Agriculture Usec. Domingo Panganiban.
Para kay Hontiveros, malinaw na kinukunsinti ng gobyerno ang agri-smuggling, na aniya’y ginamit pang dahilan ‘para tiyakin sapat ang supply ng asukal sa merkado.’
Gayunpaman, siniguro ng senador na hindi makakalusot ang SRA sa paglabag ng mga umiiral na batas.
“Naisahan tayo dito. Bukod sa nalusutan tayo ng iligal na supply ng asukal, pinaasa pa ng gobyerno ang mamamayan na haharangin at i-imbestigahan ang kontrabando,” ngitngit na pahayag ng mambabatas.
“Nakakasama ng loob na imbes na pagsasaayos ng supply ng asukal para sa bayan, ang inatupag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ay ang pagsasa legal ng libo-libong tonelada ng smuggled na asukal,” dagdag pa niya.
Para kay Hontiveros, sinayang ng gobyerno ang pagkakataong tuluyang puksain ang mga negosyante sa likod ng large-scale agricultural smuggling – “Pero mas pinili ng pamahalaan mangunsinti at mag-sponsor pa sa mga smugglers.”
“Dalawang buwan na mula nang isiwalat natin ang modus na ito. Napigilan sana natin ang kasakiman nila kung binigyan tayo ng pagkakataong mag-imbestiga — nakasuhan na sana si Usec. (Domingo) Panganiban, natulungan sana natin ang SRA na maging tapat at matapang na sandigan ng industriya, na-blacklist na sana ang mga smugglers at bumaba na sana ang presyo ng asukal.”
Masakit dito, ayon pa kay Hontiveros, nagpakuha ng litrato ang Pangulo kasama ang tatlong smuggler, Panganiban at isang kaanak nito.