KINONDENA ng unyon ng mga health workers ang di umano’y plano ng gobyerno na isapribado ang tanging ospital na takbuhan ng mga maralitang pamilya sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
Partikular na tinukoy ng All UP Workers Union – Manila ang napipintong pagsasapribado ng 25-palapag na Cancer Center Building na planong itayo sa loob ng PGH Compound sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP).
Bilang simbolo ng pagtutol, sabayang binagtas ng mga miyembro ng unyon ang kahabaan ng Taft Avenue sa Maynila para sa isang kilos-protesta laban sa PGH privatization.
Giit ng unyon, hindi pagsasapribado ang sagot sa kakulangan ng PGH kundi ang dagdag alokasyon para matustusan ang pangangailangan ng libo-libong pasyenteng dumadagsa kada araw para sa libreng serbisyong medikal.
Maayos naman umano ang programa subalit mas kailangan ng ospital ng mas maraming empleyado para matugunan ang mahabang pila ng mga pasyenteng araw-araw naghihintay para sa libreng serbisyong medikal.
Kapos din anila ang mga kawani ng ospital, bukod pa sa mababang sahod at kawalan ng benepisyo ng mga empleyado.
