
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAGUMPAY na naidaos sa lalawigan ng Samar ang huling bahagi para sa 2024 Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) bitbit ang hindi bababa sa P700-milyong cash assistance at programa para sa may 60,000 benepisyaryo.
“Ito ang patuloy nating tugon sa pagnanais ng ating Pangulong [Ferdinand] Marcos Jr. na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa ating mga kababayan. Hindi lamang ito programa; ito ay simbolo ng taos-pusong serbisyo at pagkakaisa ng pamahalaan at ng sambayanan,” mensahe ni House Speaker Martin Romualdez sa serbisyo caravan na ginanap sa Northwest Samar State University sa Calbayog City.
Sa kabuuan, 62 national government agencies ang naglatag ng 255 serbisyo ng pamahalaan habang nasa 61 kongresista ang personal na nagpakita ng suporta sa okasyong pinaglaanan ng P400-million cash assistance para sa mga benepisyaryo.
“This event represented our commitment to bringing concrete, tangible solutions to the everyday challenges faced by our constituents. Sa pamamagitan ng programang ito, naihatid natin ang pag-asa at tulong sa bawat pamilyang Pilipino,” dugtong ni Romualdez.
Kabilang sa tampok sa Samar leg ng serbisyo caravan ang pay-out ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa tinatayang 20,000 benepisyaryo para sa kabuuang halaga na P300 milyon.
Namahagi rin ng scholarships ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga estudyante habang livelihood assistance naman ang handog sa mga residente ng naturangb lalawigan.
Kabilang rin sa handog ng serbisyo fair ang “in-kind aid” na may katumbas na halagang P316 milyon, kasama ang nasa 110,000 kilo ng bigas, kasabay ng pagkakaloob ng social services, health programs, agricultural aid at regulatory services.
Nagsilbing punong-abala sina Governor Sharee Ann Tan, Samar 1st District Representative Stephen James Tan at Samar 2nd District Representative Reynolds Michael Tan, sa pakikipagtulungan ng Calbayog City government.