
HINDI kayang tumbasan ng pamahalaan ang ambag ng mga migranteng manggagawa sa ekonomiya ng bansa, ayon kay senatorial bet ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo.
Gayunpaman, naniniwala si Tulfo na higit na angkop kilalanin ang kontribusyon ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa bisa ng pensyon sa sandaling retirado na sa pagtatrabaho.
“It’s the country’s way of saying thank you sa kanila sa pagtaguyod sa ating bansa ng ilang taon kaya marapat lamang na suklian sila ng sambayanan,” pahayag ni Tulfo.
Ayon sa senatorial aspirant para sa nalalapit na halalan sa Mayo, “mga bagong bayani ang tawag natin sa kanila (OFWs) dahil sa ambag nila sa ekonomiya ng bansa.”
“Pero kapag tumanda na sila, naghihirap at umaasa na lang sa bigay ng mga anak. Ganyan ba ang dapat maranasan ng isang bayani?” ani Tulfo, na kabilang sa mga pambato ng administrasyon para sa senado.
“Marami-rami din sa mga OFW natin ay hindi nakapag-ipon dahil inuna ang pagpapaaral sa mga anak at pagbili ng bahay para sa pamilya,” dagdag pa ng kasalukuyan din House Deputy Majority Leader.
“Ang mga domestic helpers, laborers, drivers – yung mga mababa ang sahod ang kadalasang hindi nakakaipon dahil sapat lang ang sahod nila para sa padala sa pamilya,” diin ni Tulfo.
Isa ilalim ng isusulong na panukala ni Tulfo, maghahati ang OFW at ang pamahalaan sa kontribusyon para sa pension fund na mapapakinabangan ng OFW sa sandaling tuluyan nang magretiro.
Maari rin aniyang doble o triple ang kontribusyon ng gobyerno sa tinutulak na OFW pension.
Paglilinaw naman ni Tulfo, ang isinusulong niyang pension ay mapapasailalim sa ibang sistema, kaya ang benepisyong ito ay iba pa sa makukuha ng OFW mula sa Social Security System o SSS, pagsapit ng edad 60-anyos. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)