
MATAPOS bumaba sa pwesto bunsod ng kontrobersyal na presscon, nagtalaga ng bagong hepe ng Quezon Police District (QCPD) si Philippine National Police chief Gen. Benjamin Acorda Jr.
Ang kanyang napiling kapalit ni Brig. Gen. Nicolas Torre III – ang hepe ng PNP Public Information Office na si Brig. Gen. Redrico Maranan.
Sa paglisan ni Maranan bilang hepe ng PNP-PIO, hinirang naman bilang bagong PIO chief si PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.
Bago pa man ang pinakahuling rigodon, minabuti ni Torre na magbitiw bilang QCPD chief matapos umani ng kabi-kabilang batikos kaugnay ng viral road rage incident na kinasasangkutan ng isang sinibak na pulis.
Paliwanag ni Torre, layon ng kanyang pagbaba sa pwesto bigyan daan ang isang patas na imbestigasyon kaugnay ng pulong-balitaan kung saan bumida ang dinismis na kabarong nanakit sa hindi pinangalanang siklista sa Quezon City noong Agosto 8 ng kasalukuyang taon.