BILANG ambag sa isinusulong na kaunlaran ng bansa, tiniyak ng pamunuan ng senado na papaspasan ang pagtalakay sa mga panukalang batas na magbibigay-daan sa pamumuhunan at paglikha ng hanapbuhay.
Para kay Senate President Francis Escudero, higit na angkop ang kolektibong pagkilos sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo para paangatin ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Pagtitiyak ni Escudero, mas magiging mabilis ang senado sa pagpapatibay ng mga panukalang batas na pasok sa kategorya ng Philippine Development Agenda sa ikatlo at huling bahagi ng 19th Congress.
Aniya, umabot na sa 72 panukala ang naisabatas sa kahalating panahon ng regular session, itutuon ng Senado ang pagpapabilis sa key legislative priorities, na tumutukoy sa pagsusulong ng “development goal”s ng administrasyong Marcos – kabilang ang pangangalaga ng soberanya ng Pilipinas, paghimok sa mga dayuhang kapitalista at pagandahin ang pamumuhay ng mamamayan.
“We maximized every session day, passing 108 bills in total. Of these, 72 have been enacted into law, including 11 priority measures from the Legislative-Executive Development Advisory Council,” wika ni Escudero.
Kabilang aniya sa mga pinagtibay ng mataas na kapulungan ang Archipelagic Sea Lanes Act; CREATE MORE Act; Amendments to Rice Tariffication Law; Anti-Agricultural Economic Sabotage Act; Anti-Financial Accounts Scamming Act; Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act; Philippine Maritime Zones Act; Academic Recovery and Accessible Learning Program Act; Enterprise-Based Education and Training Framework Act; Blue Economy Act; at New Government Procurement Act.
Hindi rin aniya pwedeng maliitin ang pagdinig ng senado sa iba’t ibang isyu, lalo pa aniya’t malaking bentahe ang congressional “investigation in aid of legislation” para sa pagbabalangkas ng bagong batas.
“Our hearings and probes led to laws that will serve Filipinos for generations,” aniya.
Pinasalamatan din ni Escudero ang kapwa mambabatas at Senate staff sa kolektibong pagkilos upang makamit ang mithiin ng senado.
“Our time and effort are for the country. I hope this dedication is remembered… despite challenges, such as natural disasters and political turbulence,” ani Escudero.
“Our 23 senators, though diverse, are stronger together,” aniya pa.
Sa third regular session mula July 23 hanggang Dec. 18, pinagtibay ng Senado ang 108 bills, na mas mataas kumpara sa nakamit ng unang dalawang sesyon. Umabot sa 44 panukalang batas na naisalang na sa Office of the President kabilang ang 2025 General Appropriations Bill, habang pito ang nakasalang pa sa conference committees.
Pinagtibay din ng Senado ang 106 “simple resolutions” at siyam na “concurrent resolutions.”
“We ensured that each bill met the highest standards of constitutionality and relevance,” pahabol ng Senate President. (Estong Reyes)
