MATAPOS ang limang araw ng pananatili sa ospital, tuluyan nang binawian ng buhay ang isang 78-anyos na lolong biktima ng paputok na karaniwang gamit ng mga Pilipino sa pagsalubong ng bagong taon, ayon kay Department of Health (DOH) spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo.
Sa impormasyon ng DOH, Disyembre 22 nang isugod sa pagamutan ang hindi pinangalanang biktima matapos masabigan umano ng Judas belt, isang uri ng paputok na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na batas.
Bukod sa naturang senior citizen, pasok din sa talaan ng mga biktima ng paputok ang 124 pang iba, batay sa rekord ng 62 sentinel sites na binabantayan ng kagawaran.
Sa naturang bilang ng mga biktima, 102 ang edad 19 pababa habang 23 katao naman 20 anyos pataas.
Pagdating sa kasarian, 114 ay mga lalaki, habang 11 ang babae.
Ayon sa DOH, 91 kaso (katumbas ng 73 percent) ay sanhi ng iligal na paputok tulad ng boga, 5-star at piccolo kung saan 75 (katumbas ng 60 percent) sa mga biktima ang mismong gumamit ng paputok.
Paglilinaw ni Domingo, delikado lahat ng klase ng paputok – legal man o ilegal alinsunod sa Republic Act 7183 (Firecracker Prohibition Act).
“Kahit legal ang fireworks, delikado pa rin. Bomba pa rin yan. Sumasabog. Nakamamatay. Iwas paputok na po tayo para sa ating buhay,” wika ni Domingo.
Panawagan ng DOH sa publiko, gumamit na lang ng alternatibong pampaingay tulad ng torotot.
