MISTULANG nilaglag ni Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) President Emmanuel Ledesma ang Department of Health (DOH) na umano’y dahilan sa likod ng problema ng mga miyembro ng state insurer.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, inamin ni Ledesma malaki ang pagkakaiba sa polisiya ng DOH at PhilHealth.
Ginawa ni Ledesma ang pahayag makaraang usisain ni Iloilo Rep. Janette Garin ang matagal na umanong problema sa koordinasyon ng DOH at PhilHealth.
“In other words, hindi kaya ng PhilHealth na lahat ng problema sa kalusugan ay siyang sumalo. Hindi rin naman kaya ng DOH na yung mga gastusin sa loob ng hospital ay sa DOH,” saad ni Garin, na dating kalihim ng DOH.
Inamin ni Ledesma na may mga overlap sa trabaho ng DOH at PhilHealth na aniya’y dapat tugunan para mapaganda ang serbisyo. Sumang-ayon din si Ledesma sa pagsasagawa ng internal review sa mga nangyari upang mas mapag-aralan ang mga isyung dapat na tugunan.
Binigyan-diin ni Garin ang kahalagahan na matukoy ang hangganan ng mga trabaho ng dalawang ahensya upang maiwasan ang duplication at delay sa paggampan dito.
“DOH is for promotive and preventive healthcare, while PhilHealth should focus on curative healthcare and catastrophic illnesses,” sabi pa ni Garin.
Tinukoy ni Garin ang pagbili ng mga medical supply na kabilang sa mga overlapping na trabaho ng dalawang ahensya.
“Ang binibili ng DOH hindi dapat nire-refund ng PhilHealth. Ang packages ng PhilHealth ay hindi nagdodoble sa packages ng DOH.”
Ibinahagi naman ni PhilHealth Vice President Lemuel Untalan ang aniya’y paglilinis ng ahensya sa listahan ng mga miyembro sa layuning tukuyin at kalusin ang hindi kwalipikadong benepisyaryo.
“Tama po kayo,” sabi ni Untalan nang tanungin kung nagsasagawa ng update ang ahensya sa listahan nito upang hindi na mabayaran ang premium ng mga indibidwal na hindi na kuwalipikado.
Kinuwestyon din ni Garin ang legalidad ng mga ginawa ng PhilHealth gaya ng retroactive enrollment ng mga senior citizen bago ang opisyal na implementasyon ng Universal Health Care law.
“My question, Mr. Chair, is that legal or illegal? Pwede ka bang i-enroll three times sa senior?” tanong nito.
Hindi naman nakapagbigay ng direktang sagot ang PhilHealth. Gayunpaman, aminado ang PhilHealth officials na kailangan repasuhin ang mga dokumentong ginawa ilang taon na ang nakaraan.
Iginiit din sa pagdinig ang pangangailangan ng “regular update” sa listahan ng mga mahihirap na PhilHealth members.
Ipinaliwanag ni Untalan na ang listahan na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng National Household Targeting System (NHTS) ay na-a-update lamang kada apat na taon.
Ipinunto ni Garin na dahil hindi updated ang listahan ay hindi tuwirang nagagamit ang mga inilaang pondo para sa pagpaparami ng mga benepisyo at pagbabawas ng ibinabayad na premium.
Ani Ledesma, napapanahon na rin repasuhin ang mga polisiya ng DOH at PhilHealth na hindi magkatugma. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
