
SA halip na maghanap ng masisisi, dapat managot ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na insidente ng hacking at data leak na naglagay sa mga sensitibong impormasyon ng ahensya sa alanganin, ayon kay Anakalusugan partylist Rep. Ray Reyes.
Para kay Reyes, hindi angkop na ibunton ng PhilHealth ang sisi sa government procurement rules sa hangaring pagtakpan ang kapalpakan at kapabayaan ng mga itinalagang mangasiwa sa nasabing ahensya.
Kumbinsido rin ang partylist solon na bigo ang mga opisyales ng nasabing ahensyang nangangasiwa sa buwanang kontribusyon ng mga manggagawang Pinoy na bigyan ng nararapat na proteksyon ang personal information ng mga PhilHealth members.
Hinikayat din niya ang pamunuan ng PhilHealth na magpamalas ng delikadesa, kasabay ng panawagan para sa agarang pagbibitiw sa pwesto.
“Dapat may managot sa nangyaring hacking at data leak sa Philhealth. They should quit their posts if they can’t competently follow guidelines that were meant to ensure integrity in government transactions,” giit ng kongresista.
“Blaming the procurement rules just shows a failure of leadership in Philhealth and the lack of importance they place in protecting members’ data. Antivirus software is subscription based and can be easily procured with basic planning and management,” dugtong pa niya.
Pinuna rin ni Reyes ang magkasalungat na pahayag ng mga opisyal ng Philhealth at ang aniya’y tangkang cover-up sa naturang insidente.
“Nakakalungkot kasi pinapaikot lang tayo ng Philhealth sa pabago bago nilang statements. Sa simula sinabi nila na walang data leak hanggang sa umabot na tayo sa ganito. Hanggang ngayon malabo at walang kasiguraduhan ang mga statements na inilalabas nila,” dismayadong pahayag ng Anakalusugan partylist solon.
Pinasalamatan naman ni Reyes ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagtulong para maibalik ang nakompromisong Philhealth system subalit bigo pa rin na protektahan ang mahahalagang datos ng member-contributors ng naturang government health insurance agency.
“Naayos na nga ang system at database ng Philhealth pero paano naman ang mga personal information na nakapost na sa dark web?”
“Hindi na po natin mababawi o mabubura ang mga bagay na nakapost sa internet at dahil sa malaking kapabayaan na ito ng Philhealth, di malayong magamit ng mga masasamang loob ang personal information ng mga Philhealth members sa mga ilegal na gawain,” pagtatapos ng kongresista.