SINADYA man o hindi, dapat managot ang sinumang salarin sa likod ng pagpanaw ng tatlong Pilipinong mangingisda na sakay ng bangkang inararo sa bahagi ng West Philippine Sea malapit sa Bajo de Masinloc.
Para kay Agri partylist Rep. Wilbert Lee, higit na kailangan matukoy ng pamahalaan ang salarin sa likod ng insidenteng ikinasawi ng tatlong Pinoy na ang tanging hangad pakay lamang sa karagatan ay mangisda para sa kani-kanilang pamilya, kasabay ng panawagan sa pamahalaan para sa agarang pagtugon sa mga naulila.
Sa pananaw ni Lee, ang sinapit ng mga biktima ay isang malinaw na “hit-and-run” na dapat tumbasan ng pinakamabigat na parusa sa ilalim ng mga umiiral na batas.
“Sa puntong ito, immaterial na kung sinadya man o hindi ang pangyayari dahil sa huli ay iniwan pa rin ng mga may sala ang mga biktima nila. Malinaw na malinaw po na hit and run ang ginawa nila kaya sana mas mabigat ang maging parusa sa kanila,” matigas na pahayag ng partylist solon.
“Kapag may aksidente, the instinct is to check kung may nasugatan o may pinsala ba, and then to help. Pero itong mga walang konsensya, tinakbuhan nila ang responsibilidad na tumulong,” dugtong ng kongresista.
Kaya naman hinimok ng Bicolano lawmaker ang pamahalaan na gawin ang lahat ng paraan upang mabigyan ng hustisya ang malagim na sinapit ng tatlong mangingisda.
“Umaasa tayong lahat na magiging mabilis at masusi ang imbestigasyon sa pangyayaring ito dahil galing na mismo kay Pangulong Bongbong Marcos ang utos at pagtiyak na pananagutin ang mga may-sala.”