
MISTULANG paraiso sa mata ng mga sindikato sa likod ng kabi-kabilang cyberattacks ang bansang Pilipinas, ayon mismo sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Pag-amin ni DICT Assistant Secretary Jeffrey Dy, nasa ika-apat na pwesto ang Pilipinas sa talaan ng mga bansang nakapagtala ng pinakamaraming insidente ng cyberattacks.
Sa datos ng opisyal, pumalo sa 3,000 cyberattacks ang naitala ng kagawaran mula taong 2020 hanggang 2022. Pinakamarami aniya ang insidente ang pumuntirya sa information system at network ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Sa pagpasok ng kasalukuyang taon, limang ahensya ng gobyerno ang nakaranas ng mga atake mula sa mga hindi pa rin natutukoy na hacker.
Para kay Dy, higit na kailangan ng pamahalaan na humikayat at lumikha ng mas maraming cybersecurity specialist sa bansa. Katunayan aniya, meron lang 300 sa kabuuang 200,000 Pinoy cyber specialist ang aktibong sumusupil sa mga pag-atake sa websites ng mga pribadong organisasyon at maging sa information system ng pamahalaan.
Kaugnay nito, naglunsad kamakailan ang DICT ng paligsahang ‘Hack for Gov’ sa 20 hanay ng mga estudyante mula sa 20 paaralan sa hangaring isulong ang kaalaman ng mga kabataan hinggil sa cybercrimes tulad ng hacking, phishing at iba pa.