NAKATAKDANG makipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa bansang India para suplayan ng bigas ang Pilipinas sa hangaring balansehin ang presyo sa merkado.
Pag-amin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maging siya’y nababahala sa napipintong pagsirit ng presyo ng bigas sa merkado bunsod ng pinsalang inwan ng super typhoon Egay sa agrikultura.
Sa isang pulong sa Tuguegarao, binigyang diin ni Marcos ang bentahe ng sapat na supply para tiyakin handa ang bansa sa epekto ng El Niño sa agrikultura. Ang solusyon ng Pangulo – umangkat sa India.
Sa pagtataya ni Marcos, magkakahirapan sa pangangalap ng supply ng bigas sa mga susunod na linggo dahil sa pinapakyaw na ng bansang Indonesia, habang naglabas naman ng moratorium ang Vietnam sa pagbebenta ng bigas sa mga karatig bansa. Ang tangi na lang bansang kanya aniyang nakikitang pwedeng makatransaksyon ay ang India.
Sa pinakahuling datos ng National Disaster Coordinating Council (NDRRMC), nasa higit P1 bilyon ang pinsala ng bagyong Egay sa agrikultura – dahilan kung bakit sumisipa ang presyo ng mga produktong agrikultura sa mga pamilihan.
Inabisuhan naman ni Marcos ang mga lokal na pamahalaan na magsumite ng detalyadong ulat sa pinsala sa agrikultura, gayundin sa mga tulong na kailangan ng mga lokal na magsasaka.