PUMALO na sa 193 metro ang antas ng nakaimbak na tubig sa Angat Dam, na siyang nagsusuplay ng 97% ng pangangailangan ng mga negosyo at kabahayan sa National Capital Region (NCR).
Sa pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), mas mataas na ng 13 metro kumpara sa 180-meter minimum operating level ng naturang dam.
Ayon sa state weather bureau, ang pagtaas ng antas ng tubig ay dulot ng patuloy na mga pag-ulan na dala ng nagdaang bagyong Egay at Hanging Habagat.
Sa 6:00 AM bulletin ng Pagasa, nabatid na ang water level ng Angat ay tumaas mula sa 191.70 metro noong Hulyo 29 hanggang 193.84 metro nitong Hulyo 30.
Bukod naman sa Angat, tumaas rin ang water level ng iba pang dam sa nakalipas na 24-oras, kabilang ang La Mesa Dam na mula 79.58 ay naging 79.79 metro; Binga Dam mula 574.58 ay naging 574.63 metro; San Roque mula 257.25 metro ay umakyat sa 258.51 metro; Pantabangan Dam mula 186.33 sumampa sa 186.97 metro); at Magat Dam mula 172.75 ay naging 174.29 metro.
Samantala, patuloy ang pagbaba ng water levels ng iba pang dam na kinabibilangan ng Ipo Dam mula 101.06 ay naging 101.05 metro; Ambuklao Dam mula 751.71 ay naging 751.41 metro at Caliraya Dam mula 286.69 ay naging 286.55 metro.