KASUNOD ng malawakang pagbibitiw ng mga heneral at koronel bilang bahagi ng paglilinis ng kapulisan may bahid ng droga, puntirya naman ng administrasyon na asintahin ang mga sindikatong pasok sa kategoryang “bigtime” sa kalakalan ng droga.
Ayon kay Justice Sec. Crispin Remulla, naglabas na ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – wakasan ang pagtugis sa mga pipitsuging tulak kasabay ng paglulunsad ng mas agresibong opensiba sa mga kapitalista sa likod ng pinakamalaking negosyo sa bansa.
“Ang ating sinasabi ngayon, itigil na ‘yang tingi-tingi na ‘yang buy-bust araw-araw .01% na isang gramo, ikukulong mo ang tao panghabang buhay. Tigilan na natin ‘yan. Let’s be better enforcers. Let us look at the problem from the source, not from the… Ang mas mahalaga, itigil na natin itong cara-cruz operations,” ani Remulla.
“Dapat doon talaga tayo nagko-concentrate kung paano aawatin ang pagpasok ng Pilipinas at kung paano aawatin ang pag didistribute ng droga sa Pilipinas,” dagdag pa ng Kalihim na ama ng 38-anyos na si Juanito III na dinakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Oktubre sa aktong pagtanggap ng halos isang kilong marijuana na inangkat pa mula sa ibang bansa.