
ASAHAN ang mas madalas na brownout sa mas maraming lugar sa bansa, ayon sa National Power Corporation (Napocor).
Partikular na tinukoy ng Napocor ang mga lalawigang sinusuplayan ng Small Power Utility Group (SPUG) bunsod ng kakulangan ng panggatong na kailangan sa operasyon ng mga power plants na nagsusuplay ng kuryente sa mga kabahayan, establisyemento at maging sa mga tanggapan ng gobyerno.
Gustuhin man anilang bumili ng panggatong, kapos di umano ang nakalaang pondo batay sa 2023 General Appropriations Act na pinagtibay ng Kongreso.
Sa datos ng nasabing ahensya, 72 liblib na lugar (off-grid area) ang makakaranas ng walong oras na brownout kada araw.
Ayon sa Napocor, sa P33.72 bilyong hiningi ng ahensya, P22.345 bilyon lamang anila ang ibinigay inaprubahan ng Kongreso. Litanya pa ng naturang tanggapan, malayo rin anila sa P74.35 kada litrong presyo ng panggatong ang inilaan sa 2023 GAA kung saan P55 per liter lang ang nakasaad na pamantayan.
Hirit ng Napocor, dagdag pondo para maiwasan ang nagbabadyang rotational brownouts sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Big issue is the funding deficit. There is fuel to be bought but `yung pambili ang may problema. We have to be prepared to actually bear some of the costs,” pahayag ni Napocor president Fernando Nani Roxas.