KABILANG sa 64 pasaherong nasawi sa salpukan ng eroplano at helicopter sa Estados Unidos si Philippine National Police (PNP) Supply Management Division chief Col. Pergentino Malabed
Ayon kay PNP Public information Office (PIO) chief Col. Randulph Tuaño, nasa official travel si Malabed kasama ang isang non-uniformed personnel (NUP) at isang police non-commissioned officer (PNCO) para sa pagbili ng 2,675 armored vest sa India.
Gayunpaman, wala sa naturang eroplano ang dalawang kasama ni Malabed sa biyahe. Ang dahilan – nagpaiwan umano ang dalawang hindi pinangalanang PNP personnel para sa naka-schedule na courtesy call kay Police Attache to the US Police Col. Moises Villaceran sa Washington D.C.
Nagbanggaan ang eroplano ng American Airline at US Army Black Hawk helicopter malapit sa Reagan National Airport sa Washington DC pasado alas-9:00 ng gabi.
Kinilala si Malabed sa pamamagitan ng nakuhang passport at iba pang dokumento sa mga labi ng koronel na miyembro ng Philippine National Police Academy Class 1998.
Ayon sa American Airlines, nasa 60 pasahero at 4 na crew member ang lulan ng jet habang tatlong sundalo naman ang sakay ng military helicopter.
Nangyari ang salpukan habang nagmamaneobra para sa landing ang passenger jet sa Reagan Airport habang nasa training flight naman ang military helicopter.
Patuloy ang malawakang search and rescue operation sa Potomac river na pahirapan dahil madilim ang lugar, napakalamig at nagyeyelo ang ilog na may lalim na walong talampakan. (EDWIN MORENO)
