SA hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga residente, mas pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Angono ang programa laban sa nakamamatay na rabies ng mga pagala-galang alagang hayop.
Ayon kay Angono Mayor Jeri Mae Calderon, hindi dapat isantabi ang kaligtasan ng mga mamamayan dahil lamang sa kapabayaan ng tinawag niyang ‘fur parents’ kasabay ng pag-amin na siya man ay may mga alagang hayop.
“May pet park naman po tayo. Doon natin ipasyal ang mga alaga nating hayop,” wika ni Calderon.
Ani Calderon, hindi angkop na hayaan magpagala-gala ang mga alaga, kasabay ng paalala sa umiiral na Anti-Rabies Act of 2007 na nagtatakda ng kaparusahan sa mga aniya’y iresponsableng fur parents.
“Hindi biro ang pagiging furparent. Hindi rin dekorasyon o laruang pababayaan na lang kapag nagsawa tayo ang mga alagang aso’t pusa. Tratuhin natin sila ng tama para iwas-aberya at multa batay sa umiiral na batas,” ani Calderon.
Sa ilalim ng naturang batas, papatawan ng P2,000 multa ang sa ayaw pabakunahan ang mga alagang hayop, habang P10,000 penalty naman sakaling nakakagat ang alagang asong di pa naturukan ng anti-rabies vaccine.
Tumataginting na P25,000 ang multa para pagtalikod sa responsibilidad sa nakagat ng alagang aso at P500 para sa mga alagang pakalat-kalat sa lansangan.
Para aniya maiwasan ang nakaambang gastos, hinikayat ng alkalde ang mga may alagang hayop na makipag-ugnayan sa municipal veterinary office para sa libreng Anti-Rabies Vaccination.
Hinikayat rin ni Calderon ang mga kapwa fur parents na huwag hayaan magpagala-gala ang mga alagang aso at pusang dapat aniyang ituring na bahagi ng pamilya.