SA kabila ng garantiya ng pamahalaan na tutuldukan ang online modus sa bisa ng SIM Registration Act, naalarma ang Senado sa patuloy na pamamayagpag ng mga sindikatong pinaniniwalaang nasa likod ng laganap ng text scams.
Para kay Senador Grace Poe, nararapat lang busisiin ng Kongreso ang operasyon ng mga sindikatong nagkukubli bilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa ikinasang Senate Resolution 745, hinikayat ni Poe ang kinauukulang komite imbestigahan kung naipatutupad nang wasto ang Republic Act 111934 (SIM Registration Act) isang taon mula nang ganap na maging batas.
“The law aims to protect users from scams and hasten law enforcement in investigating phone-related scams,” ayon kay Poe, principal author at sponsor ng naturang batas.
“The registration of SIM should help unmask fraudsters and deny them of sanctuary to hide. But, are these being achieved?” dagdag ng chairperson ng Senate committee on public services.
Mahigit isang taon nang pagtibayin ang batas at sa gitna ng pagtatapos ng SIM registration, idiniin ni Poe na patuloy na kumakalat ang text scam at iba pang uri ng panloloko sa publiko.
Kamakailan, nilusob ng awtoridad ang isang POGO hub kung saan naamsam ang libu-libong SIM cards na ginagamit sa illegal operation.
“Nakatakda sa batas na hindi dapat gamitin ang SIM sa illegal na gawain at kailangan naberepikad ang may-ari,” ayon kay Poe.
“Pero, napaulat na libu-libong rehistradong SIM ang nakumpiska na ginagamit sa scamming at iba pang cyber fraud na nagpalutang ng katanungan kung epektibo ang implementasyon ng batas,” dagdag niya.
Para kay Poe, dapat ipaliwanag ng implementing agencies, telecom companies at law enforcement agencies kung paano nakalusot at nairhistro ang libo-libong SIM cards na gamit sa panloloko.
“Gumamit ba sila ng pekeng individual o willing victims na nagbenta ng pagkakakilanlan?”
Inatasan rin ni Poe ang National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at iba pang ahensya na magsumite sa Kongreso ng report at update sa implementasyon ng SIM Registration Act.