TULUYAN nang tinukoy ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga personalidad na umano’y sangkot sa nabigong tangka magpasok ng droga sa bansa. 

Sa press briefing ng Palasyo, hayagang pinangalanan ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang dating mi­yembro ng Bangsamoro Parliament na si Sultan Edrieza Nasser Rimbang bilang financier ng chartered plane kung saan isinakay ang 521 kilo ng hinihinalang shabu na nasamsam sa Laos.

Ayon kay Remulla, kabilang si Rimbang sa mga persons of interest sa nabulilyasong drug smuggling. Una nang dinakip sa Laos si Fahad Mulok Dibarosan, na asawa ng hipag ni Rimbang.

Sa datos na ibinahagi ni Remulla, lumalabas na si Rimbang ay miyembro ng PDP-Laban — partidong pinamumunuan ni former President Rodrigo Duterte.

Kumandidato subalit hindi pinalad sa nagdaang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) election si Rimbang. 

Aniya, inatasan umano ng grupo ang piloto na si Rioklyn “Boyet” Pizarras Toledo na umarkila ng eroplano mula Malaysia. Kabilang din sa mga pinangalanan si PEMS Aileen Mendoza ng Aviation Security Group, na umano’y inatasang tiyakin ang seguridad ng MAPTRA hangar kung saan dapat ihahatid ang eroplano.

Kasama rin sa mga idinawit ang isang Abdulkarim Macalatas na tatanggap  ng kontrabando sa Maynila.

Pasok din sa talaan ng sindikato sina Abdullah Rimbang Macarimbang, Aldren Nadal Samante, Rudy Isidro, Christian Fabregas, Rohaniah Rimbang at Hilario De Vera.

Patuloy ang imbestigasyon sa tangkang drug smuggling na sindikatong konektado sa Golden Triangle, isang kilalang sentro ng ilegal na droga sa hangganan ng Myanmar, Thailand at Laos. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *