
TAHASANG pinabulaanan ni House Minority Leader Marcelino Libanan ang akusasyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong hinggil sa umano’y pagtanggap ng mga kongresista ng milyong pondo sa tuwing sumasama sa mga out-of-town engagements ni House Speaker Martin Romualdez.
“Sa experience ko po ay wala akong ganyan na nakikita at wala po akong ganyan na na-experienced,” wika ng lider ng minorya sa Kamara.
Kinontra rin ni Libanan ang sinabi ni Magalong na ginagamit ang 2025 national budget bilang “election fund,” at iginiit pa ng una na ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng mga programang AKAP, AICS at TUPAD ay hindi kontrolado ng mga politiko.
“Sa mga distribution ng social services bawal po ang mga politiko magpunta roon. Iyan ay strictly na in-implement po ngayon. Ang ating pondo ay para sa pag-aayos ng ating bansa at ang nakikita ko po dito ay gawin lang natin ang ating mga tungkulin,” paliwanag ng ranking House official.
Hinamon naman ni Libanan si Magalong at maging ang iba pang naniniwalang may irregularidad sa pamamahagi ng ayuda ngayong campaign season na maghain ng pormal na reklamo.
“Kung may reklamo man, kung may nakikita, nandyan naman ang ating mga husgado at pwede magpunta sa House to clarify sa mga charge na binabato,” saad niya.
Sinusugan naman ni 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez ang pahayag ni Libanan partikular ang pagbasura sa bintang ng Baguio City mayor.
“I’m not part of the leadership. I am a regular member of this House… but just to answer anecdotally, I don’t think I’ve had the experience that would answer that question in the affirmative,” ani Gutierrez.
Paliwanag pa ni Gutierrez, ang lahat ng pondo sa mga kinukuwestyong programa ay nasa kontrol ng mga ahensya ng gobyerno. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)