MAS maraming pondo sa national defense ang inilaan ng mga mambabatas kasabay ng mas agresibong mga aksyon ng China sa West Philippine Sea, ibinahagi ni Senador JV Ejercito nitong Miyerkules, Disyembre 13.
“We are shifting already on external defense so it will cost a lot, but because of the situation, we have to prioritize. So they can expect that the Senate really—and it was just approved in the bicam (bicameral conference)—has allotted quite a big amount,” ayon kay ni Ejercito sa panayam ng CNN Philippines.
Hindi na tinukoy ng senador kung magkano ang inilaang pondo at kung saan ito kukunin, ngunit sinabi na lubos itong makatutulong sa Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbili ng assets at paghabol sa delayed modernization program.
“We have capable people but we just have to equip them,” dagdag ni Ejercito.
Ang PCG at AFP ay nasa frontlines sa pagsisiguro na napapanatili ng Pilipinas ang presensya nito sa West Philippine Sea.
Nitong Lunes, niratipikahan ng mga mambabatas ang proposed ₱5.768-trillion budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Senador Sonny Angara, pinuno ng Senate panel sa bicam, na ang joint body ay nagdagdag ng badyet sa Department of National Defense (DND) kasunod ng mga pangyayari sa West Philippine Sea.
Dagdag pa, sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isinulong niya ang karagdagang ₱10.47 billion sa pag-upgrade ng defense capabilities ng bansa at mapataas ang presensya nito sa WPS.
Aniya, ang ₱6.17 billion ay idinagdag sa badyet ng DND para sa Philippine Navy, ₱2.8 billion sa PCG, ₱1 billion sa National Intelligence Coordinating Agency, at ₱500 million sa Department of Environment and Natural Resources.
