
“MABUTI pa itong Solicitor General alam nila ang kanilang trabaho. Mabuhay po kayo SolGen Guevarra et. al for refusing to defend this abusive government.”
Ito ang pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa bilang reaksyon sa posisyon ni Solicitor General Menardo Guevarra na huwag katawanin ang pamahalaan sa petisyong inihain ng kampo ni former President Rodrigo Duterte sa Korte Suprema.
Ayon kay Dela Rosa, marapat lang kilalanin ang paninindigan ni Guevarra na aniya’y kahalintulad ng posisyon ni former Presidential Legal Counsel Salvador Panelo. Kapwa kumbinsido sina Guevarra at Panelo na “illegal at unconstitutional” ang ginawang pag-aresto at pwersahang paghahatid sa dating pangulo sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague.
Nauna rito, iginiit ni Dela Rosa na dapat ibalik sa bansa ang dating pangulo dahil ilegal ang ginawang pag-aresto lalo pa’t wala na umanong hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas na 2017 pa kumalas sa Rome Statute.
Nagbabala rin ang Mindanaoan lawmaker sa publiko na maging maingat at mapagmasid dahil sa mga aniya’y pinakakalat na intriga at pekeng balita sa usapin ng ICC arrest kay Duterte.
“Don’t be fooled by the trolls unleashed by our enemies and some attention seeking individuals who are using the divide and rule tactics by sowing intrigues to create distrust within our ranks. Let’s remain firm on bringing him back home!”