
DAPAT higpitan ng Department of Agriculture (DA) ang implementasyon sa itinakdang maximum suggested retail price (MSRP) sa karne ng baboy, hirit ni Agri partylist Rep, Wilbert Lee.
Higit pa sa paghihigpit, iminungkahi ni Lee na ipakita ang pangil ng kagawaran sa paraan ng pagsasampa ng kaso para sampolan ang mga tinawag niyang tampalasang negosyante.
Panawagan ni Lee sa kagawaran, tiyakin ang proteksyon ang mga mamimili at ang makatwirang presyo ng karne ng baboy at iba pang pagkain sa merkado.
“The current situation where pork prices exceed the government’s suggested retail price is unacceptable. The DA must take decisive action against those who exploit the system, causing undue burden on consumers,” himutok ng Bicolano solon.
Ginawa ni Lee ang pahayag bunsod na rin ng mga ulat na meron pa rin umanong mga nagbebenta ng karne ng baboy na higit sa P400 kada kilo sa kabila ng anunsyo ng DA sa pagbaba ng farmgate price sa P220 kada kilo mula sa P250.
Ikinadismaya rin ng Agri lawmaker ang ulat ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ng DA na sa mahigit 170 stalls na namonitor ng ahensya sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila ay nasa 20 porsyento lamang ang sumusunod sa itinakdang MSRP.
Giit ng Agri partylist group, dapat palakasin ng pamahalaan ang pagbibigay ng suporta sa local hog raisers, bunsod na rin ng matinding epekto ng African Swine Fever (ASF) outbreak.
“Our local hog raisers are striving to recover from the ASF crisis. It’s disheartening to see their efforts undermined by intermediaries who prioritize profit over fairness,” pahayag ng Agri partylist.
“The DA should also facilitate platforms, such as additional Kadiwa centers nationwide, where consumers can purchase pork directly from producers to liberate them from the control of unscrupulous traders and middlemen.”
Nanawagan din ang grupo ng dagdag na suporta sa mga local food producer, na dapat umanong ituring bilang food security soldiers ng bansa.
“Pagaanin natin ang pasanin ng bawat isa sa pagsusulong ng Murang Pagkain, Tiyak na Kabuhayan, Sapat na Kita, at Libreng Serbisyong Pangkalusugan na siya mismong ipinaglalaban ng Agri Partylist.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)