HINDI pa man ganap na natatapos ang isinasagawang pagdinig ng Senado hinggil sa pagpupuslit ng mga Pinoy patungo sa ibang bansa para magtrabaho bilang online scammers, isa na namang bulilyaso ang isiniwalat kaugnay ng patuloy na operasyon ng isang sindikato sa likod ng human trafficking.
Ayon kay Senador Grace Poe, level-up na ang mga human trafficking syndicates na gumagamit na ngayon ng mga pribadong eroplano pala ilipad palabas ng bansa ang mga pasaherong walang kaukulang dokumento.
Giit ni Poe sa kanyang privilege speech sa Senado, isang malawakang imbestigasyon sa paggamit ng private airplanes sa human trafficking.
Partikular na tinukoy ni Poe ang isang insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan aniya huli sa akto ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-ASG) ang isang eroplano habang lulan ang mga 14 na pasaherong walang hawak na anumang patunay na dumaan sa tamang proseso ang pagbiyahe patungo sa Dubai.
Aniya, dapat rin isalang ang Globan Aviation Service Corporation na nangangasiwa sa nabistong eroplanong pag-aari ng Hong Kong-based Cloud Nine 1 Leasing Company Ltd.
Ayon pa kay Poe, bandang alas 3:00 ng hapon nitong nakaraang Lunes nang mabulilyaso sa NAIA ang paglipad 14 na pasaherong lulan eroplanong may tail number N92527E papuntang Dubai.
“We were able to secure a copy of this flight General Declaration at nakasaad dito na tatlong crew at anim na pasahero lang ang dapat na sakay ng eroplano. Ngunit base sa impormasyong nakuha namin mula sa Bureau of Immigration, pito ang pasaherong nakasaad sa hawak nilang General Declaration.”
Pagsapit ng 10:20 ng gabi, ayon kay Poe, walong Asyano ang dumating sakay ng dalawang van.
“These individuals were not included in the General Declaration but they attempted to board the aircraft—attempted, dahil natigilan sila nang makitang kumukuha ng video ang isa sa mga aircraft inspectors ” aniya pa.
“At around the same time, the inspectors noticed three unauthorized individuals entering the aircraft followed by the aircraft door closing,” dagdag ni Poe.
Sa naturang insidente, lubhang nabahala ang senador kasabay ng giit na isalang na rin sa ikakasang pagdinig ang mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) na nagbigay ng clearance para makaalis ang naturang eroplano.
“The immigration officers said that they already processed the additional passengers and that they were cleared to travel even though they were not included in the flight manifest. We should check if Globan’s really in the business of smuggling people out of the country.”
Buwan ng Disyembre ng nakaraang taon, nakalusot ang ilang Chinese nationals na sakay rin ng private aircraft na walang pre-flight inspection clearance.
“Malinaw na may irregularity at paglabag sa existing policies at procedures ng airport agencies tulad nang MIAA, Immigration, PNP Aviation at CAAP,” dagdag ni Poe.
Puntirya rin ni Poe ang pagpasok ng mga hindi otorisadong indibidwal sa security-restricted area nang hindi dumadaan sa angkop na security screening procedure at documentation.
“Pag tayo ini-escort papasok doon sa may tarmac ng airport, yan ay usually domestic flight at tsaka sangkatutak na kailangan meron tayong dinadaanang proseso… pero dito sa mga impormasyong natanggap natin, parang kasama pa ang immigration sa paghatid sa kanila. Walang nakalista kung ano ang mga dala-dala nilang mga bagahe.”